MANILA, Philippines - Nalimas ang aabot sa P100,000 kita ng isang sangay ng LBC na nasa loob ng isang mall matapos na holdapin ito ng dalawang kalalakihang nagpanggap na mga empleyado nito sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 5, ang niloobang LBC ay nasa loob ng isang mall sa Brgy. Pasong Putik, Novaliches sa lungsod.
Pawang nakasuot ng uniporme at I.D na may posisyon na auditor ng naturang tanggapan ang dalawang suspect dahilan para mapaniwala nila ang empleyadong si Arfi Parac, 25, ng Maligaya Park Subd. Brgy Pasong Putik sa lungsod at papasukin sa loob ng kinalalagyan ng vault.
Nangyari ang insidente habang naghahanda na umano para magsara ang biktima ganap na alas-7:50 ng gabi. Mula dito, ay dumating ang mga suspect at nagpakilalang mga auditor ng kompanya saka inutusan si Parac na buksan ang vault para makapagsagawa ang monthly audit.
Matapos buksan, ay agad na naglabas ng patalim ang mga suspect at nagdeklara ng holdap saka iginapos ng isa sa mga suspect ang biktima.Habang ang isa namang suspect ay isinilid sa isang bag ang pera sa loob ng vault saka mabilis na nagsitakas.