MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang paslit, habang dalawa ang kritikal makaraang araruhin sila ng nawalan ng kontrol na kotse sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa report ni P/Chief Insp. Rey Medina, hepe ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit – Traffic Sector 1(QCDTEU – TS1), kinilala ang mga nasawi na sina Manuel Mameng, 23, pedicab driver, Roan Reyna, 18, at Wendy Paraleja, 2.
Sugatan naman ang iba pang biktimang sina Melanie Peraleja, 40; at Rachelle Lumagdang, 27, na ngayon ay nakaratay sa Doctors Medical Center.
Hawak naman ng awtoridad ang akusadong si Christian Lim, driver ng Honda Civic (TLZ—972), ng Grace Park, Caloocan City.
Sa imbestigasyon ni PO1 Leonardo Policarpio, nangyari ang insidente sa may Welcome Rotonda Quezon City, dakong alas-4:30 nang madaling araw.
Sinasabing minamaneho ni Lim ang kanyang kotse patungo sa direksiyon ng Maynila at pagsapit sa may Kanlaon St., ay biglang nawalan ito ng preno saka diretsong tinumbok ang harap ng isang banko kung saan nakaparada ang pedicab ni Mameng sakay si Reyna.
Matapos ito, sinalpok din ng kotse ang kariton kung saan nagpapahinga ang iba pang biktima sanhi para magtamo rin ang mga ito matinding injuries sa kanilang mga katawan.
Dead on the spot sa lugar si Mameng, habang isinugod naman ang iba pang biktima sa naturang ospital, ngunit idineklara ding patay sina Reyna at Paraleja.
Ayon kay Policarpio, ilang mga residente ang nagsabi na iniwasan umano ng suspect ang isang taxi na patungo sa direksyon ng Maynila kung kaya’t nawalan ito ng kontrol hanggang sa tuluyang suyurin ang lugar na kinalalagyan ng mga biktima. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.