St. Lukes nilusob ng mga militante
MANILA, Philippines - Hindi nakaligtas maging ang St. Luke’s Medical Center sa Global City, Taguig sa mga militante makaraang 20 aktibista ang nagsagawa ng “lightning rally” upang kondenahin ang “hospital arrest” kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nagulat ang mga tauhan ng Taguig City Police sa rally ng mga militante nang magpanggap na magtutungo lamang sa pagamutan nang biglang maglabas ng mga placards at magsisigaw.
Nakasaad sa placards ng mga militante ang katagang, “Gloria sa Correctional hindi sa Hospital at Gloria Ikulong!”
Kinuwestiyon ng grupo na ang ibinigay na “hospital arrest” kay dating pangulong Arroyo habang hindi naman ito pormal na hiniling ng mga abogado nito. Dapat umano ay idiniretso agad ang dating Pangulo sa angkop na detention center kasama ang ilang mga bilanggo.
Ayon kay Dr. Beng Rivera ng Health Alliance for Democracy (HEAD), hindi dapat bigyan ng anumang special treatment ang dating pangulo sa pagkakasangkot nito sa electoral sabotage noong 2007.
Giit pa ni Angie Ipong ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), dapat na mailipat na sa kulungan ang dating pangulo at maranasan nito ang makulong ng ilang taon.
- Latest
- Trending