MANILA, Philippines - Isinailalim na kahapon sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office sa kasong alarm and scandal at physical injuries ang isang 42-anyos na American national nang suntukin at sakalin ang isang security guard na humarang sa kaniya sa pagpasok sa isang gusali sa Intramuros, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nabalian ng buto sa ilong at nabasag ang pustiso ng biktimang si Ramir Manacmol, 37, nakatalaga sa Inland Corporatation, Maynila isang freight at cargo forwarding company, na nasa Solana St., Intramuros kaya inireklamo ang suspect na si “Mr. RR Kayma Gander lll.
Naganap ang insidente kamakalawa ng hapon nang harangin ng biktima ang suspect sa pagpasok sa gusali dahil lasing at nagsisisigaw ito.
Biglang pinagsusuntok sa mukha ang sekyu habang sakal-sakal kaya nagpambuno sila hanggang sa malaglag ang holster ng biktima kasama ang service firearm na kalibre .38.
Tumakbo ang Kano at hinabol siya ng biktima na namataan ng officer-in-charge ng security personnel kaya naawat at naaresto si Gander, bago nai-turn-over sa MPD-GAS.