Kelot patay sa bigti
MANILA, Philippines - Malamig na bangkay na nang matagpuan ng kanyang tatay ang isang 34-anyos na lalaki makaraang magbigti ito sa loob ng kanyang tinutuluyan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Arben Atienza, massage therapist at residente ng CBE Town House Capitol Hills. Brgy. Pasong Tamo sa lungsod. Ayon sa ulat ng pulisya, ang biktima ay natagpuan ng kanyang tatay na si Ruben Atienza habang nakabitin sa loob mismo ng kuwarto nito ganap na alas-10 ng umaga.
Diumano, pinuntahan ni Mang Ruben ang anak para sunduin at samahan na kumuha ng ticket sa isang travel agency papunta ng Canada.
Pero, ilang beses na siyang kumakatok ay walang sumasagot kung kaya nagpasya na siya na dumaan sa likurang pinto ng bahay na naiwang nakabukas.
Pagpasok ni Mang Ruben sa kuwarto ng anak ay bumulaga sa kaniya ang bangkay nito na nakabitin sa grills ng bintana gamit ang isang sinturon.
Ayon pa kay Mang Ruben, wala naman umano siyang alam na problema ang kaniyang anak na magiging sanhi ng pagpapatiwakal nito. Sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending