MANILA, Philippines - Dahilan sa patuloy na pagtaas ng kriminalidad na kinasasangkutan ng riding in tandem, inatasan ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang Philippine National Police (PNP) na tuldukan ang naturang uri ng kriminalidad partikular na sa Metro Manila. Ito’y matapos na maalarma si Robredo sa tila walang takot na paglabag sa batas hinggil sa pamamayagpag ng riding in tandem na nasa likod ng mga krimen. Sa kaniyang direktiba kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, inutos nito ang paglalabas ng ‘assessment report’ hinggil sa pagtugon ng kapulisan sa problema sa riding in tandem na mga kriminal.
Sa tala, umaabot sa 1,700 insidente ng kriminalidad ang kinasangkutan ng riding in tandem mula Enero hanggang Setyembre 2011 kumpara sa naitalang 1,565 insidente noong nakalipas na taon. Bilang reaksyon, sinabi naman ni Bartolome na pinalakas ng PNP ang pagsupil at pagbibigay solusyon sa kriminalidad sa pamamagitan ng implementasyon ng Police Integrated Patrol System (PIPS) at deployment ng Motorized Anti-Street Crime Operatives (MASCO). (Joy Cantos at Ricky Tulipat)