Nigerian tiklo sa online scam
MANILA, Philippines - Timbog sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Nigerian national na inireklamo naman ng isang Australian national sa isang online scam, sa isang hotel sa Ermita, Maynila nitong nakalipas na Lunes.
Kinilala ang nadakip na suspect na si Awa Vitalys Njinwa, na sinasabing nagsadya pa sa Pilipinas upang makipagkita sa biktima niyang Australian.
Ayon sa ulat, ang pagdakip sa nasabing Nigerian ay kasunod ng reklamo ng biktimang itinago sa pangalang “Ian”, isang Australian, na pinadalhan umano ng email ng suspect na nagpakilalang representative ng isang kompanya at inabisuhan ang Australyano na may mamanahing malaking halaga mula sa kaniyang kamamatay lamang na tiyuhin sa United Kingdom.
Nasa £3 million o katumbas na P180 milyon umano ang makukuhang mana na pinaniwalaan ng biktima dahil may mga kaanak nga ito sa United Kingdom.
Gayunman, upang ma-claim ang mana ay hinihingian siya ng suspect ng P800,000. para umano maiproseso ang mga kakailangang dokumento sa transfer ng ‘mana’. Nagtungo umano siya sa Pilipinas matapos niyang maibigay ang P400,000 sa suspect at nakipagkasundo na ang kakulangan ay sa Manila na lamang ibibigay upang makita ng personal ang Nigerian.
Nagkita umano sila at ipinakita ang bag na naglalaman ng ‘mana’ subalit hindi na umano pumayag na P400,000 lamang ang kaniyang ibigay, bagkus ay kailangang gawin niyang P5.5 million.
Nang magduda sa strategy ng suspect, nagberipika ang biktima at natuklasang walang ganoong kompanya na binabanggit ng suspect dahilan upang humingi ng tulong sa NBI ang Australyano na naging daan sa pagkaarestro sa suspect.
Bunsod nito, nagbabala ang NBI sa publiko na hindi lamang ganito ang modus sa online scam.
- Latest
- Trending