MANILA, Philippines - Tinangay ng mga hindi nakikilalang karnaper sa magkakasunod na insidente ang tatlong motorsiklo at isang L-300 na nakaparada sa magkakahiwalay na lugar, kamakalawa sa lungsod ng Maynila.
Base sa ulat ng Manila Police District-Anti-Carnapping and Anti-Carjacking Section, unang inireklamo sa tanggapan ang pagkawala ng isang Mitsubishi L-300 FB van (XDK-969) habang nakaparada sa may V. Mapa St., Sta.Mesa, Maynila na pag-aari ni Herman Cheng na nawala dakong alas-3:30 ng madaling araw.
Alas-6 ng gabi naman inireklamo ni Harold Fadit, ng Malunggay St., Magsaysay Village Tondo, Maynila ang pagkawala ng kanyang Yamaha Sniper (9838-TI) habang nakaparada malapit sa Espiritu Santo church sa may Rizal Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid na alas-7:30 ng gabi naman inireklamo ang pagkawala Susuzi Sky drive motorcycle (8600-TN) ni Rhaniel Benitez matapos tutukan ng baril ng dalawang hindi nakikilalang suspect sa may Bambang malapit sa may Jose Abad Santos, Tondo, Maynila.
Habang alas-8:00 naman ng ireklamo ang pagkawala ng RUSI 2214-UA na pag-aari ni Victor Trinidad, habang nakapark sa harap ng isang condominium sa may Osmeña Highway, Malate, Maynila.
Nabatid na halos araw-araw ay may naire-report na pagkawala ng motorsiklo sa Maynila.