Presyo ng petrolyo muling umarangkada
MANILA, Philippines - Muli na namang nagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa kung saan pinakamataas dito ang idinagdag sa diesel na gamit ng mga pampublikong sasakyan.
Sabay-sabay na nagtaas dakong alas-6 ng umaga ang mga kompanyang Pilipinas Shell, Chevron Philippines, at Total Philippines ng P1.90 kada litro ng diesel, P.65 sentimos sa presyo ng premium at unleaded gasoline at P.90 sentimos sa regular na gasoline.
Nagtaas rin ang Shell at Chevron ng P.1.60 sa kada litro ng produkto nilang kerosene.
Idinipensa naman ng Department of Energy ang naturang pagtataas. Sinabi ni Energy Undersecretary Jose Layug Jr. na noong nakaraang linggo pa nila inihayag ang nakatakdang pagtataas. Epekto pa umano ito ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Tinawag naman ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang DOE na abogado, tagapagsalita at public relations (PR) officer ng mga kumpanya ng langis sa harap ng panibagong oil price hike.
Magsasagawa ng noise barrage ang PISTON bukas (Miyerkules), para iprotesta ang sinasabing overpricing sa presyo ng mga produktong petrolyo gayundin ang 12 percent value-added tax (VAT).
- Latest
- Trending