Pagtestigo ng 2 suspect sa Ramgen murder, ibinasura ng Parañaque police
MANILA, Philippines - Tinanggihan ng Parañaque City Police ang hirit ng abogado ng dalawang hinihinalang mga gunman sa pamamaslang kay Ramgen Revilla-Bautista na maging “state witness” upang madiin sina Ramona at Ramon Joseph Bautista sa naturang kaso.
Sinabi ni Task Force Ramgen head, Chief Insp. Enrique Sy na hindi sila naniniwala sa alibi nina Michael Jay Nartea at Roy Francis Tolisora na hindi sila ang nagsagawa ng krimen ng pamamaslang kay Ramgen at malubhang pagkakasugat sa kasintahan na si Janelle Manahan dahil sa umatras na sila bago ito naisagawa.
Matatandaan na sa kanilang sinumpaang-salaysay na isinumite sa Parañaque City Prosecutor’s Office, sinabi ni Nartea na kasama niya ang live-in partner sa kanilang bahay ng gabi ng krimen habang si Tolisora naman ay nagsabi na nakikipag-inuman siya sa kapitbahay. Iginiit ng dalawa na sina Ruel Puzon at Lloyd Comeda ang kinontak nina Norween dela Cruz, Glaiza Vista at alyas Bryan na ituloy ang pagpatay kay Ramgen matapos silang mag-quit.
Sina Puzon at Comeda ay tumatayo ngayon na mga pangunahing saksi ng pulisya sa naturang kaso na unang nagdiin kina RJ at Ramona sa krimen. Ipinalabas na ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr, ang P500,000 na ipinangakong pabuya para kay Puzon dahil sa ito ang nagbigay ng “breakthrough” sa kaso nang una itong lumantad.
Sinabi ni Sy na bahagi lang ng taktika nina Nartea at Tolisora ang mga isinasaad ng kanilang counter-affidavit. Matibay umano ang kanilang ebidensya laban sa dalawa at maging sa ibang suspect sa krimen.
Nauna nang inihayag ni Atty. Anna Luz Cristal na handa ang kanyang mga kliyente na maging testigo kapalit ng pag-atras ng kaso laban sa kanila.
Samantala, limang araw bago ang pagbasa ng sakdal kay RJ sa Nobyembre 16, dinalaw na rin ni Genelyn Magsaysay ang kanyang anak na nakaditine sa Paranaque City Jail. Sa kabila ng lungkot, sinabi nito na mas komportable ngayon ang kulungan ng anak kumpara sa Parañaque detention cell.
- Latest
- Trending