Advertisement ng sigarilyo, alak bawal sa university belt
MANILA, Philippines - Nais na ipagbawal ni Manila 4th District Councilor Don Juan Bagatsing ang paglalagay ng mga advertisement ng sigarilyo at alak sa “university belt” area.
Batay sa draft ordinance na inihain nito, walang advertisement ng mga “sin products” ang dapat nasa 500-meter radius ng mga paaralan.
Bukod sa sigarilyo at alak, kabilang din sa mga sin products ang baril, gun accessories at mga establisimyento nito, mga motel at mga establisimyento na nagbibigay ng “short-time”.
Paliwanag ni Bagatsing, nililigaw ng mga advertisement na ito ang isipan ng mga mag-aaral sa university belt.
Aminado si Bagatsing na laganap ito sa university belt at España kung saan kabilang ito sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Bagatsing, sakaling maipasa ang nasabing ordinansa, maaaring makulong ng anim na buwan ang lalabag bukod pa sa pagbabayad ng P5,000 at kanselasyon ng business permit.
Maaari ring baklasin ng Department of Public Service ng City Hall ang mga sin product advertisements na nasa 500-meter delineation mula sa mga paaralan at unibersidad.
- Latest
- Trending