MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang kalalakihan matapos na makuhanan ng shabu at baril sa isinagawang anti-drug operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District sa Fairview, Quezon City kahapon.
Kinilala ni Police Supt. Froilan R. Uy, ng Fairview Police Station 5, ang mga suspect na sina Antonio Samot Jr., alyas Jay-R, 47, binata at Jayson Mercado, alyas Jek-Jek, 19, binata, kapwa ng Brgy. North Fairview.
Ayon kay Uy, nadakip ang mga suspect ng tropa ng Station Anti-Illegal Drug-Special Operation Task Group ng PS5 matapos makumpirma ang iligal na operasyon ni Samot kaugnay sa pagbebenta nito ng droga sa kanyang lugar.
Narekober sa mga suspect ang tatlong piraso ng plastic sachet ng shabu; tatlong piraso ng 100 peso bill; isang kalibre 38 baril; at anim na rounds ng bala ng nasabi ring baril.
Sa ulat ni PO2 Eliseo R. Santos Jr., may-hawak ng kaso, naaresto ang mga suspect sa may Lira St., Phase 8, Brgy. North Fairview ganap na alas-10:25 ng gabi.
Dahil sa impormasyon hinggil sa bentahan ng shabu sa nasabing lugar ay agad na nagmanman ang mga operatiba ng SAID-SOTG kung saan naispatan nila ang mga suspect habang nagpapalitan ng items.
Ayon kay Uy, kasong paglabag sa section 5 at 11 ng Republic act 9165 at illegal possesion of firearms and ammunition ang kinakaharap ni Samot; habang si Mercado naman ay paglabag sa section 11 ng RA9165.