MANILA, Philippines - Tatlong salvage victim na kinabibilangan ng isang babae ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila, kahapon ng umaga.
Dakong alas-4:30 ng umaga nang matagpuang nakalatag sa panulukan ng Campana at Severino Sts., sa Quiapo, Maynila ang bangkay ng dalawang lalaki na ang isa ay inilarawan na nasa edad 40-45, may taas 5’1’’, kayumanggi, payat, kulot ang buhok, nakasuot ng kulay gray na sando na may naka-print na “UBE#45” at maong shorts habang ang isa naman ay nasa edad 45-50, may taas 5’6’’, kayumanggi, kalbo, balingkinitan at nakasuot ng t-shirt na kulay pula at may nakatatak na “Aeropostale”, may tattoo ng mukha ng babae sa kanang hita na may nakasulat na “Roda Amor” at sa kaliwang hita naman ay tattoo ring mukha ng babae na may nakasulat na “Bong”.
Ayon kay SPO3 Benito Cabatbat ng Manila Police District-Homicide Section, ang mga bangkay ay nakita ng basurerong si Antonio Aquilera na agad ding humingi ng tulong sa PCP-Barbosa. Naniniwala ang pulisya na pinatay sa ibang lugar ang dalawa at doon lamang itinapon.
Samantala, nadiskubreng nabubulok na sa loob ng malaking plastic na drum, na selyado ng packaging tape at tali ang bangkay ng isang babae habang nakalutang sa Pasig River, Palanca St., sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Mismong mga kaanak din ang kumilala sa biktimang si Milabel Bayya, 28, residente ng #616 Aranga St., Sampaloc, Maynila.
Ayon sa ulat ni SPO3 Dennis Javier kay Manila Police District-Homicide Section chief, Senior Insp. Joey de Ocampo, dakong alas-8:30 ng umaga nang matuklasan ang bangkay sa nasabing drum.
Mga batang nangangalakal umano ang nakatuklas nang pag-agawan nila ang nakitang lumulutang na drum sa Pasig River, sa pag-aakalang may lamang mahalagang bagay na maaaring ibenta. Nagulat sila sa masangsang na amoy na nanggagaling sa drum.
Nabatid na bloated na ang katawan ng biktima na pinaniniwalaang may apat na araw nang patay.
Nobyembre 9 nang huling makita ni Ana ang kapatid nabiktima na naglalakad umano sa Aranga St.
Walang nakitang sugat sa katawan nito kaya posibleng ‘suffocation’ ang ikinamatay nang ikulong ito sa selyadong plastic drum.
Sa nakalap na impormasyon ng MPD, noong nakalipas na Oktubre ay inaresto ang biktima kaugnay sa iligal na bentahan ng droga.
Inaalam kung may kaugnayan ang iligal na droga sa pagkamatay ng biktima.