MANILA, Philippines - Pinangunahan nina Manila Mayor Alfredo S. Lim at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang kampanya laban sa sigarilyo sa pamamagitan ng “symbolic spray painting” ng “Smoke-Free sa Maynila” sign sa Bonifacio Shrine sa Maynila. Sa pakikipag-ugnayan sa Manila Anti-Smoking Task Force (MASTF), inilunsad ang proyekto na “11.11.11.” kamakalawa na inorganisa nina City Administrator Jesus Mari P. Marzan, Archt. Dunhill Villaruel ng Manila Youth Bureau at ng Manila Health Department, para suportahan at palakasin pa ang kampanya sa lungsod at mabigyan ng impormasyon ang publiko sa panganib ng paninigarilyo.
Ayon kay Lim, panahon na upang baguhin ang kapaligiran at iwasan ang panganib ng usok ng sigarilyo. Payo ni Lim, hindi na dapat na subukan ang paninigarilyo dahil nalalagay lamang sa panganib ang kalusugan ng mga ito. Kasunod ng paglulunsad ng programa, nagsagawa rin ng noise barrage sa loob ng walong minuto sa iba’t ibang panig ng Maynila bilang suporta sa programa bukod pa sa “commitment signing” nina Lim, Tolentino, Chief of Staff at Media Bureau chief Ricardo E. De Guzman. Naglagay din ng “no smoking sticker” sa mga passenger bus at jeep.