Mag-asawa niratrat: Mister dedo, misis kritikal

MANILA, Philippines - Patay ang isang mister habang kritikal naman ang asawa nito makaraang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Patay na nang idating sa Taguig-Pateros District Hospital dahil sa tinamong mga tama ng bala sa mukha at katawan si Basir Balabaran, 21, habang patuloy na ginagamot ang misis nitong si Wing Balabaran, 20, kapwa­ residente ng President Quirino St., Zone-6, Signal Village, Taguig.

Blangko naman ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga salarin dahil sa walang nais na lumutang na saksi sa krimen upang magbigay ng impormasyon.           

Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, naganap ang krimen dakong alas-10 ng gabi sa President Quirino St. Signal Village.

Sinabi ng kapatid ng nasawi na si Sahud Alabaman, 18, na kasama siya ng mag-asawa na bibili ng ulam at nahuhuli lamang siya ng paglalakad nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.

Dito niya nakita ang kapatid at hipag na duguang bumagsak sa kalsada habang hindi na napansin ang mga salarin na may kagagawan ng krimen. Mabilis naman­ itong humingi ng saklolo at isinugod sa pagamutan ang mga biktima.

Show comments