Dalaga binoga ng rider
MANILA, Philippines - Isang 47-anyos na dalaga ang sugatan makaraang barilin ng riding-in-tandem sa isang tindahan sa lungsod Quezon kahapon. Ayon sa inisyal na ulat, ang biktima ay nakilalang si Emily Maaba, ng Baler St., Brgy. Bungad sa lungsod.
Siya ay nasa pangangalaga ngayon ng Quezon City General Hospital bunga ng isang tama ng bala sa kanang braso.
Mabilis namang tumakas ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo makaraan ang pamamaril. Nangyari ang insidente sa harap ng Karen Carinderia na matatagpuan sa Baler St., ganap na alas-7:45 ng umaga.
Ayon sa testigong si Arturo Salud, nakikipagkwentuhan umano ang biktima sa kanyang kapitbahay nang dumating ang isang motorsiklo lulan ang dalawang suspect at walang sabi-sabing pinaputukan ang una.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect habang ang biktima ay isinugod naman sa ospital kung saan ito agad na nilapatan ng lunas. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending














