Caterpillar ride nakalas: 1 patay, 9 sugatan
MANILA, Philippines - Isa ang nasawi at siyam pa ang malubhang nasugatan matapos magka-aberya at makalas ang caterpillar ride sa isang peryahan sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sanhi ng pagkabasag ng bungo nang tumama sa matigas na bagay ang ulo ng biktimang si Neil Rapols, 68, isang bantay bayan.
Nasa kritikal na kalagayan at ginagamot sa Jose Reyes Memorial Hospital sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan sina Erwin Rosario, 17; Roneil Laroza, 17; Rumberto Gil, 16; Ruben Pagal, 14; Dino Caromales 13, at si Jerry Guttierez, 22, pawang residente ng nasabing lungsod.
Ginagamot naman sa Valenzuela Medical Center ang mag-iinang sina Amilita Abella Villacruses, 25, dalawang anak nitong sina Ryza, 4; at Rhian, 2, pawang mga residente ng Brgy. Karuhatan, ng nasabing lungsod.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang may-ari ng peryahan na si Arnel Cudia Montero at ang operator ng caterpillar na nakilala lang sa pangalang Machete na nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries (2 counts), reckless imprudence resulting serious to physical injuries at violation sa RA 7610.
Naganap ang insidente, dakong alas-9:45 ng gabi sa isang peryahan sa Brgy. Karuhatan ng nabanggit na lungsod habang nakasakay sa caterpillar ride ang mga biktima, nang bigla na lamang kumalas ang mga turnilyo na humahawak sa karo na sinakyan ng mga ito.
Tinamaan ng tumilapon na karo ng caterpillar ang nakatayong si Rapols, malapit sa nasabing lugar, na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.
Nadamay ding tamaan ang iba pang mga biktima na sakay sa caterpillar, na naging dahilan upang isugod ang mga ito sa nasabing ospital.Kaugnay nito, patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending



















