2 timbog sa pekeng pera
MANILA, Philippines - Nagbabala ang Quezon City Police District laban sa mga maglalabasang pekeng pera na maaaring kumalat sa mga pamilihan lalo na ngayong papalapit ang Pasko kasunod ng pagkakaaresto nila sa dalawang kalalakihang sangkot sa paggawa nito sa lungsod kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Albino Inot, 40, ng Sta. Quiteria, Caloocan City; at Hector Nuñez, 39, ng San Jose Tagum, Davao del Norte.
Ang mga suspect ay naaresto matapos makatanggap ng tip ang tanggapan ng District Police Intelligence and Operative Unit (DPIOU) kaugnay sa pagawaan ng pera sa isang hotel sa Cubao.
Dahil dito, nagsagawa ng pagmamanman ang tropa at nang makumpirma ay agad na inihanda ang isang buy-bust operation laban sa mga suspect.
Isinagawa ang operasyon sa 4th floor ng Vista Hotel sa Arayat St., Cubao kung saan naaresto ang mga suspect ganap na alas-4:45 ng hapon.
Narekober sa mga ito ang ilang piraso ng pekeng P50 bill na may parehong serial number; mga pekeng P100 bill na hindi pa natatapos; iba’t ibang uri ng identification card; tinta sa pagpi-print; mga hindi pa tapos na pekeng peso bill.
Kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Possession of false treasury or bank notes ang kinakaharap ngayon ng mga suspect.
- Latest
- Trending