Bar exam maayos na naidaos -- MPD chief
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Manila Police District Director Senior Supt. Alexander Gutierrez na sapat ang proteksiyon ng mga kumuha ng bar exams kahapon sa University of Sto. Tomas (UST) sa Dapitan, Maynila. Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Gutierrez na hindi sila gaanong nahirapan sa pagpaplano ng seguridad dahil maluwag ang kalsada at walang establisimyento sa paligid ng UST na maaring gawin tambayan ng mga grupo “symphatizer” ng bar examinee.
Nabatid kay Gutierrez na simula pa lamang alas-4 ng umaga ay nagsimula ng dumagsa na UST ang mga examiner kung kaya’t naiwasan ang trapik.
Sinabi ni Gutierrez na binantayan ng MPD ang buong bisinidad ng unibersidad hanggang sa matapos ang bar exam upang masiguro na walang manggugulo o anumang karahasan na mangyayari tulad ng nangyari sa De La Salle University.
Tiniyak din ni Gutierrez na mas paiigtingin nila ang pagbabantay sa UST sa huling linggo ng bar exam kung saan tradisyunal na ginagawa ang “bar ops” na malimit na pinagsisimulan ng kaguluhan sa lugar.
Nauna dito, 40 katao ang nasugatan, habang dalawa ang naputulan ng paa ng magkaron ng pagsabog sa huling araw ng bar exam.
Nalaman na may 6,200 law student ang kumuha ng bar exam.
- Latest
- Trending