Kelot niratrat todas
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng hindi nakikilalang lalaki na may mga tama ng bala sa dibdib at ulo ang natagpuan sa isang madilim na lugar sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PO2 Jogene Hernandez ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, dahil walang pagkakakilanlan isinalarawan lamang ang biktima sa edad na 30-35, may taas na 5’5-5’7, payat, at nakasuot ng itim na t-shirt, itim na short, itim na jacket at bull cap na kulay pula.
Sinabi ni Hernandez, ang biktima ay natagpuan ng isang Rodrigo Tan sa may harap ng isang bahay sa no. 92, 7th St., Area 3, Pasong Tamo ganap na alas 2 ng madaling-araw.
Naglalakad umano si Tan sa lugar nang mapuna nito ang isang nakahigang lalaki. Nang kanyang lapitan ay bumulaga sa kanya ang duguang katawan nito sanhi para agad niyang ipabatid sa barangay hall at pulisya.
Samantala, ayon naman kay Roma Gulayan, residente malapit sa lugar, ganap na ala-1:20 ng madaling araw ay nakarinig umano siya ng mga putok ng baril sa labas ng kanyang bahay.
Dahil natatakot, binalewala lamang ni Gulayan ang narinig, hanggang sa mabalitaan na lang niya na may natagpuang bangkay sa naturang lugar.
Hinala ng awtoridad, maaring inabangan ng suspect ang biktima sa lugar, saka pinagbabaril at tumakas.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa naturang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na inilagay na sa panga ngalaga ng St. Rafael funeral para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
- Trending