Pagbabawal ng 2 lalaking riding in tandem hindi solusyon sa krimen -- MPD
MANILA, Philippines - Naniniwala ang ilang mga opisyal ng Manila Police District na hindi solusyon ang pagbabawal sa dalawang lalaki na riding in tandem upang mabawasan ang krimen na kinasasangkutan ng mga ito kabilang na ang ambush at robbery holdup.
Ayon kina MPD Station 2 commander Supt. Jemar Modequillo, Station 4 commander Supt. Rolando Balasabas, Station 5 commander, Supt. Ricardo Layug at Station 3 commander James Afalla, police visibility pa rin ang epektibong paraan upang labanan ang modus operandi ng riding in tandem.
Nabatid pa sa mga opisyal na mayroon na ring ginagamit na mga babae sa riding in tandem upang isagawa ang ambush at robbery holdup.
Paliwanag ni Modequillo at Layug, karapatan ng isang motorista kung sino ang kanyang isasakay kailangan lamang ang random checkpoints sa mga lugar sa Maynila.
Pabor din si Layug na magkaroon ng motorcycle lane kung saan may nakatalagang daanan ang mga motorsiklo.
Sinabi naman ni Afalla, riding in tandem ang ginagamit ng mga sindikato dahil madaling makatakas ang mga ito ay hindi madaling abutan ng mga nagrerespondeng pulis.
Para naman kay MPD station 11 commander Supt. Ferdinand Quirante, dapat na paigtingin pa ng Land Transportation Office (LTO) ang batas kung saan isang tao lamang ang dapat na nakasakay sa motorsiklo.
Napag-alaman na dinagdagan na rin ni MPD director Sr.Supt. Alex Gutierrez ang pagpapatrolya ng mga mobile cars araw araw upang walang riding in tandem na magsasagawa ng krimen sa lungsod.
- Latest
- Trending