18 katao huli sa drag racing
MANILA, Philippines - Labing walo katao na sangkot sa iligal na drag racing activity ang dinampot ng pulisya matapos na mahuli sa aktong nagsasagawa nito sa isang kalye sa lungsod Quezon kahapon.
Sa ulat ni P/Supt. Froilan Uy, hepe ng Police Station 5 ng Quezon City Police District, nakilala ang mga naaresto na sina Jojie Panopio, 29; Reynaldo Francia, 23; Arnold Fastanes, 21; Robert Borlandia, 19; Jomar Coligado, 22; Arvil Esto, 17; Generoso Sabala Jr., 40; Rico Fresno, 31; Rafael Josayan, 18; Jayvee Magallanes, 20; Vincent Demicillo, 27; Joven Rabago, 27; Erwin Abella, 20; Jadel Sese, 24; Antonio Pastor, 26; Lindy Depaling, 19; at Christopher Mendoza, 21; pawang mga residente sa may North Fairview sa lungsod.
Ayon kay Uy, ang mga naturang suspect ay naaktuhang nagsasagawa ng drag racing activity gamit ang motorsiklo sa may kahabaan ng Mindanao Avenue Extension, Brgy. Pasong Putik sa lungsod ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Sinabi ni Uy, matagal nang reklamo ng mga residente ang ginagawang karera ng motorsiklo sa naturang lugar kung saan nagdudulot ito ng ingay bukod pa ang kaguluhan sa sandaling hindi magkasundo sa pustahan.
Kaakibat umano ng kanilang ginagawa ang malaking pusta o taya kung kaya ginagawa nila ang nasabing iligal na aktibidad.
Narekober sa kanila ang isang Suzuki Raider (2354-UJ); Honda Wave (8798-UH); Honda Wave (5150-OE); Yamaha Mio Soul (4904-OM); Honda motorcycle (7537-YV); Honda motorcycle (ZL-5821); at Yamaha motorcycle (XO-7689).
Samantala, agad na dinala ang mga naaresto sa himpilan ng PS5 kung saan binalaan ni Uy ang mga ito hinggil sa hindi mabuting ibibigay sa kanila ng iligal na aktibidad.
Makalipas ang ilang oras na paglalagi sa presinto, agad din pinawalan ni Uy ang mga inarestong suspect habang ang mga motorsiklong narekober ay nasa kustodiya naman ng himpilan habang inaayos ang mga dokumento nito.
- Latest
- Trending