MANILA, Philippines - Dahil sa pagdagsa pa rin ng mga dumadalaw sa Manila North at Manila South Cemetery, inutos ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pananatili ng mga city personnel upang mabigyan pa rin ng seguridad ang mga dadalaw.
Ang kautusan ni Lim ay bunsod na rin sa report na marami pa rin ang nagtutungo sa mga sementeryo at hindi nakipagsabayan sa pagtungo sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay noong Nobyembre 1 at 2.
Ayon kay Lim, naglabas siya ng direktiba kina Eddie Noriega ng Manila North Cemetery at Henry Dy ng Manila South Cemetery na tiyakin na may medical, police at traffic personnel na nakaantabay hanggang ngayon.
Nabatid kay Noriega na umaabot pa sa 85,000 katao kahapon ng alas-2 ang patuloy na bumibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay habang libo naman ang sa Manila South Cemetery.
Samantala, sinabi naman ni department of public services director ret. Col. Carlos Baltazar na umaabot sa 200 truckloads ng basura ang nakolekta sa dalawang sementeryo matapos ang dalawang araw na pagdagsa ng mga nagtutungo sa sementeryo.
Ayon kay Baltazar inaasahang hanggang sa Nobyembre 4 pa ang kanilang gagawing paghahakot sa mga basura.