Suspect sa PUP exec slay may mukha na
MANILA, Philippines - Inilabas na kahapon ni Manila Police District officer in charge Sr. Supt. Alex Gutierrez ang facial composite ng mga suspect sa pamamaslang kay Atty. Augustus Cezar, 64, Vice President for Administration ng Polytechnic University of the Philippines at secretary ng Board of Regents.
Ayon kay Gutierrez, mas makabubuti na makipagtulungan sa pulisya ang sinumang nakakita sa krimen upang agad na maresolba ang kaso.
Sinabi naman ni Special Investigation Task Group August Commander Sr. Supt. Fidel Posadas, ilan na rin sa mga saksi ang nagbigay ng ilang mga mahahalagang impormasyon.
Aniya, ang dalawang suspect ay nakitang pabalik-balik umano sa Pureza at Ramon Magsaysay Blvd sa Sta. Mesa at hinihintay ang isang nakamotorsiklo bago maganap ang krimen.
Sinasabing ang gunman ay may taas na 5’3”, nasa edad na 35-40, balingkinitan at maitim habang ang isa namang nagmaneho ng motorsiklo ay may taas na 5’10”, 35-40 anyos, katamtaman ang pangangatawan at maputi.
Ayon naman kay Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Homicide Section ng MPD, nakatutok umano sila sa mga probinsiya na posibleng pinagtataguan ng mga suspect.
Napag-alaman pa kay Ocampo na tinitingnan pa rin nila ang lahat ng posibleng motibo kabilang na ang trabaho, school politics at personal na anggulo. Hindi pa rin nila nakakausap ang pamilya ni Cezar dahil ang mga ito ay kasalukuyang nasa Aklan.
Sa ngayon aniya ay nakatutok ang kanilang imbestigasyon sa gulo ng mga PUP officials subalit hindi umano ito nangangahulugan na isa sa mga ito ay suspect.
Lumilitaw na kasama ang pangalan ni Cezar sa mga inireklamo ni outgoing PUP Presidente Dante Guevarra laban kay Commission on Higher Education chairman Patria Licuanan.
Nabatid na sumama ang loob ni Guevarra nang suportahan ng biktima si PUP officer-in-charge Estelita dela Rosa.
- Latest
- Trending