MANILA, Philippines - Suicide.
Ito ang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya patungkol sa pagkasawi ng apo ni dating Bise Presidente Teofisto Guingona makaraang tumugma ang mga pahayag ng ilang tauhan ng hotel at kuha buhat sa “closed circuit television cameras (CCTV)” sa ginawang pagtalon nito buhat sa ika-31 palapag ng Vivere Hotels sa Muntinlupa City kamakalawa.
Sinabi ni Muntinlupa police chief, Sr. Supt. Ramiro Bausa na malinaw sa kuha ng CCTV camera ng hotel ang pagbuwelo at pagtalon ng 20-anyos na si Martin Guingona Lamb, 4th year student ng De La Salle University.
Sinusugan pa ito ng pahayag ng tauhan ng hotel na si Teresa, isang sanitary officer at Ronald Madrigal, waiter ng Sky Lounge na nasa ika-31 palapag ng hotel na kapwa nila nakitang balisa si Guingona at padungaw-dungaw sa ibaba ng gusali hanggang sa bumuwelo ito at lumundag sa kanyang kamatayan.
Lumalabas pa sa imbestigasyon bago naganap ang pagtalon ng biktima ay nagtanong pa ito sa mga waiters na kung anung oras nagsasara ang naturang restaurant.
Wala namang nakuhang suicide note ang mga imbestigador sa biktima at tanging narekober lamang nila sa lugar ay ang isang ID at cellular phone nito.