MANILA, Philippines - Pinasabugan ng granada ng hinihinalang grupo ng mga ‘tulak’ ng iligal na droga ang isang residential area upang bulabugin ang nakaumang na operasyon ng pulisya, kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Kinumpirma ni Makati officer-in-charge Supt. Jaime Santos na isang “fragmentation grenade” ang sumabog dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa may Rose St., Brgy. Rizal.
Lumikha ng limang pulgadang butas ang pagsabog at tinamaan ng shrapnel ang limang bahay. Masuwerte namang walang nasaktan sa naturang insidente.
Sinabi ni Santos na malaki ang posibilidad na kagagawan ng isang sindikato ng iligal na droga ang pagpapasabog sa naturang lugar. Nagsasagawa kasi umano ng operasyon ang kanyang mga tauhan upang malambat ang ilang notoryus na ‘tulak’ at ginawa ang pagpapasabog upang mabulabog sila. Maaaring nais ng sindikato na mabaling sa iba ang atensyon ng pulisya at hindi sa kanila (sindikato). Patuloy naman ngayon ang mas masusing imbestigasyon sa naturang insidente.