MANILA, Philippines - Muling pinatigil ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa panghuhuli sa mga taong naninigarilyo sa mga pampublikong lugar na hindi nasasakop ng Republic Act 9211, na mas kilala sa tawag na Tobacco Regulation Act of 2003.
Batay sa 6-pahinang order ni Judge Carlos Valenzuela, ng Mandaluyong RTC Branch 21, nagpalabas ito ng writ of preliminary injunction laban sa anti-smoking campaign sa Metro Manila.
Ang naturang writ of preliminary injunction ay mananatili hanggang hindi ito binabawi o hindi pa nadidesisyunan ng korte ang kasong isinampa nina Anthony Clemente at Vrianne Lamson, na unang inaresto ng mga enforcers ng MMDA habang naninigarilyo sa kahabaan ng EDSA noong Hulyo 6, 2011 at pinagmulta ng tig-P500.
Alinsunod sa RA 9211, kabilang sa mga lugar kung saan bawal manigarilyo ay ang paaralan, mga ospital at klinika, ganun din ang mga lugar na fire hazard tulad ng gasolinahan, mga matataong lugar tulad ng paliparan at mga terminal ng bus at tren.
Una nang ipinatupad ng MMDA ang anti-smoking policy noong Hulyo 1, 2011 at sinaklaw nito maging ang mga major at secondary roads sa Metro Manila.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa 8,427 ang nahuli ng MMDA na lumabag sa batas laban sa paninigarilyo hanggang noong Setyembre 21, na kinabibilangan ng may 7,878 lalaki at 549 mga babae.
Nag-isyu na rin ng temporary restraining order (TRO) si Judge Valenzuela laban sa MMDA dahil unconstitutional o labag sa batas ang ipinatutupad na anti-smoking policy ng nasabing ahensiya at wala rin itong police legislative power.
Anang korte, kailangan munang dinggin kung may karapatan ang MMDA na ipatupad ang RA 9211 sa mga lugar na hindi sakop sa itinadhana ng batas.
Dismayado man sa desisyon ng korte, determinado pa rin ang MMDA na isusulong ang pinahigpit nitong kampanya kontra yosi na naaayon sa itinatadhana ng Tobacco Regulation Act.
Giit ni Tolentino, suportado ang kanilang kampanya ng Department of Health, local government units sa Metro Manila gayundin ng Philippine Medical Association at iba pang mga indibidwal at grupo na naniniwala sa masama at panganib na idinudulot ng paninigarilyo sa kalusugan.
Samantala, sinimulan na rin ng MMDA ang paglalagay ng mga cigarette bins sa mga pangunahing lugar na kung saan dito maaaring manigarilyo at itapon ang upos ng kanilang sigarilyo.
Bahagi pa rin ito ng itinatadhana ng Tobacco Regulation Act na nagsasaad ukol sa paglalagay o pagtatalaga ng mga smoking areas.
Sinabi ni Tolentino, ang mga cigarette bins ay ilalagay sa mga lugar sampung metro ang layo mula sa bus loading/ unloading bays.