MANILA, Philippines - Patay ang dalawa sa limang holdaper makaraang manlaban sa rumespondeng miyembro ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa naganap na panghoholdap ng mga una sa isang convenience store sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Inilarawan ni Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District ang mga nasawing suspect na nasa 30 hanggang 35 taong gulang at kapwa may mga tattoo sa kanilang katawan.
Samantala, isang Jafit Caranyagan, 25; at Wilson Taladhay, 35, ang sugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala sa naturang engkuwentro.
Ang mga suspect ay nakipagpalitan ng putok kay Sgt. Ernesto Boybanting, 38, miyembro ng ISAFP na nakatalaga sa Camp Aguinaldo at residente ng Brgy Holy Spirit sa lungsod.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa isang sangay ng Mini Stop na matatagpuan sa Don Antonio St., Brgy. Holy Spirit sa lungsod, ganap na alas-10:30 ng gabi.
Ayon kay Angela Pulido, cashier sa nasabing tindahan, nagbabantay siya nang biglang pumasok ang limang armadong kalalakihan kung saan dalawa sa mga ito ang biglang nanutok sa kanya ng baril at nagdeklara ng holdap.
Samantala sa takot ni Pulido ay ibinigay nito sa mga suspect ang P4,182.50 cash at apat na cellphone at pagkatapos ay mabilis ng nagsitakas ang mga suspect.
Nang makalabas ang mga suspect ay saka hinabol ng sundalo bitbit ang kanyang kalibre 45 service firearm at nagbigay ng warning shot, pero gumanti ng putok ang mga suspect na nauwi sa engkuwentro na ikinasawi ng dalawa sa mga huli at magawang makatakas naman ang tatlo sa mga suspect.
Minalas naman na tinamaan ng ligaw na bala sina Caranyagan at Taladhay na nakatambay lamang sa nasabing lugar.
Narekober ng mga awtoridad sa insidente ang isang kalibre .38 at isang kalibre .357 na baril, pera ng cashier at ilang piraso ng alak na Fundador. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente.