Mag-asawa minasaker ng dating houseboy

MANILA, Philippines - Kapwa natagpuang patay ang isang mag-asawang lolo at lola sa loob ng kanilang bahay makaraang pagpapaluin ng matigas na bagay sa kanilang ulo ng hinihinalang dating ka­sambahay nilang lalaki, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Carmelita Cada, 72; at mister na si Gerardo, 71, kapwa residente ng Marcos Alvarez Avenue, Brgy. Talon Uno, ng naturang lungsod.

Hiniling naman ni Las Pinas City Police chief, Sr. Supt. Romulo Sapitula na pan­­­samantalang hindi muna ibunyag ng pulisya ang pagkakakilanlan sa pinaghi­hinalaang salarin sa krimen habang nagsasagawa pa sila ng ope­rasyon upang madakip ito.

Sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-4 kama­kalawa ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng mag-asawa ng kanilang driver na si Romulo­ Legaspi, 49.

Ayon kay Legaspi, huli niyang nakitang buhay ang mag-asawang Cada dakong alas-5 noong Sabado ng hapon ma­tapos niyang ihatid sa kanilang tahanan ang mga ito at saka siya umuwi.

Muli siyang bumalik ng bahay nitong hapon ng Linggo ngunit wala umanong suma­sagot sa kanyang pagkatok.

Naghinala na si Legaspi na may nangyaring masama sa mga amo nang maging sa cellphone ay hindi suma­sagot ang mga ito. Maging sa kanyang ipinadalang text messages. Dito na niya napansin na nakabukas ang gate ng bahay kaya nagpasya siyang pumasok ng walang paalam kung saan nadiskubre ang bangkay ng mga biktima sa loob ng bahay.

Sa imbestigasyon naman ng pulisya, posibleng pinagnakawan ang mga biktima dahil sa puwersahang binuksan lahat ng drawer sa kanilang kuwarto.

Sinabi ni Sapitula na ayon sa anak ng mga biktima, maaaring ang dati nilang boy ang may kagagawan ng krimen­ dahil sa posibleng paghi­higanti makaraang sibakin ito sa trabaho ng mag-asawa at sampahan pa ng kasong “estafa” dahil sa ginawang panloloko sa kanila.

Show comments