MANILA, Philippines - Uumpisahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paniniket at pagpapamulta sa mga motorcycle riders na lalabag sa itinakdang motorcycle lanes ngayong Lunes sa kahabaan ng Commonwealth at Macapagal Avenue.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, tapos na ang isang linggong dry-run na kanilang ipinagkaloob sa nagmomotorsiklong tumatahak sa dalawang nabanggit na lansangan kung saan isinasailalim lamang nila sa motorcycle safety riding seminar ang mga lumabag.
Umaabot na sa 3,451 drayber ng motorsiklo ang isinailalim sa seminar ng MMDA sa loob ng isang linggong implementasyon ng panuntunan.
Ang lahat ng drayber ng motorsiklo na lalabag umpisa ngayong Lunes ay titikitan at pagmumultahin ng P500 habang ang mga mahuhuli naman sa Macapagal Boulevard ay pagmumultahin ng P1,200.
Ipinaliwanag ni Tolentino na magkaiba ang halaga ng multang ipapataw sa mahuhuling lalabag sa magkahiwalay na lansangan dahil ibinatay nila ito sa umiiral na ordinansa ng kani-kanilang lungsod.
Nilinaw naman ni Candy de Jesus, director ng Public Information Office ng MMDA na walang itinakdang oras o window hour tulad ng ipinatutupad sa number coding ang panghuhuli sa mga lalabag dahil buong araw at hanggang gabi magbabantay at manghuhuli ang mga traffic enforcers.