Pulis-QC inireklamo ng bus drayber
MANILA, Philippines - Nalalagay ngayon sa ba lag ng alanganin ang isang pulis-Quezon City matapos na ireklamo ng pananakit at panunutok ng baril ng isang driver ng bus sa nasabing lungsod kamakalawa.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nakilala ang inireklamo na si SPO1 Nunilon Sta Cruz, 43, nakatalaga sa District Public Safety Batallion ng QCPD.
Nagsampa ng reklamo ang biktimang si Roberto Dado, 40, ng Costa Verde Subdivision, Brgy. Sta Monica sa nasabing lungsod.
Ayon sa ulat ni PO1 Alvin Quisumbing, naganap ang insidente sa King Sam Bus (TXY-937) kung saan sakay si SPO1 Sta Cruz at binabagtas ang main avenue sa Brgy. Soccorro, Cubao.
Lumilitaw na nagtanong ang driver ng bus kay SPO1 Sta Cruz kung saan bababa subalit dahil sa lango sa alak ang pulis ay nagalit ito.
Sinabihan si Dado ng katagang bakit type mo ba ako?, kung saan sinagot naman siya ng katagang “di naman ako bakla sir.”
Sa puntong ito, biglang nagbunot ng baril si Sta Cruz at hinampas sa ulo si Dado kung saan hindi pa nakuntento ay sinuntok pa ang biktima.
Dito na nagpambuno ang dalawa hanggang sa pumutok ang baril at tumama sa glass door ng bus kung saan naagaw naman ni Dado ang baril.
Rumesponde naman si SPO3 Moises Tacdol ng Police Station 7 at inaresto si Sta Cruz.
- Latest
- Trending