Taguig PNP inilihim ang kasong rape vs 13-anyos
MANILA, Philippines - Nalalagay ngayon sa balag ng alanganing masibak ang buong puwersa ng pulisya sa Taguig City kung saan pinagpapaliwanag ni Southern Police District Director Chief Supt. Jose Arne Delos Santos si Taguig City PNP chief P/Senior Supt. Tomas Apolinario dahil sa inilihim na kasong panggagahasa ng isa nitong opisyal laban sa isang 13-anyos na batang babae na kamakailan lamang nadiskubre.
Nabalitaan lamang ni Delos Santos sa mga ulat sa pahayagan ang kasong panggagahasa sa isang 13-anyos na dalagita na kinakaharap ni P/Chief Insp. Renante Ibon na nangyari may 10-buwan na ang nakalipas at hindi nakarating sa kanyang kaalaman.
Lumilitaw na pinagbabaril at napatay ng dalawang di-kilalang lalaki ang ama ng rape victim na si Celso Maxian, noong Huwebes ng hapon matapos ang pagdinig sa kasong rape sa Hall of Justice sa Taguig City.
Inakusahan ng kampo ng biktima si P/Chief Insp. Ibon na kausap ang dalawang gunmen bago ang pamamaslang kay Maxian.
Simula noon ay hindi na nag-report si Ibon sa headquarters ng SPD kung saan siya nakatalaga at hindi na rin mahagilap sa kanyang tirahan sa Mauling Creek sa Lower Bicutan.
Sinabi ni Delos Santos na maraming ipapaliwanag si Apolinario dahil nagawa pang lumipat sa Las Piñas PNP mula sa Taguig PNP at ngayon ay sa SPD si P/Chief Insp. Ibon nang maganap ang panggagahasa noon pang Disyembre 2010.
Hindi rin nasampahan ng kasong administratibo si Ibon gayung dapat ay dinisarmahan na ito at inilagay sa restrictive custody upang hindi makagawa ng hakbang para gipitin ang pamilya ng biktima.
Napag-alaman na noon lamang Hunyo 2 nakapagsampa ng kaso ang ama ng biktima laban kay Ibon matapos akusahan ng pamilya ng biktima si Apolinario na nag-aalangan na isampa ang kaso laban sa kanyang opisyal.
- Latest
- Trending