MANILA, Philippines - Tagos sa mukha ang bala na ipinutok sa likod ng ulo ng isang 49-anyos na dating pulis-Maynila at umano’y ex-convict ng hindi pa kilalang salarin sa Tondo, Maynila, kamakalawa.
Kinilala ang biktimang si Absalum Cabahug, ng Purok 1, Dulo Isla Puting Bato, Tondo, Maynila.
Agad namang tumakas ang suspect na lulan ng motorsiklo.
Ayon sa ulat, sakay umano ang biktima ng motorsiklong may plakang TJ 9009 nang huminto sa N. Zamora St., Tondo at nang dumating umano ang babaeng hinihintay dakong alas-4:24 ng hapon ay nakitang nag-usap ang mga ito.
Hindi nagtagal ay dumating naman ang suspect na lulan din ng hindi naplakahang motorsiklo. Bumaba ito bago bumunot ng baril at walang sabi-sabing ipinutok umano sa likod ng ulo ang biktima.
Nang bumulagta ang biktima, nagawa pang kunin ng suspect at tangayin ang nakasukbit na baril sa beywang ng biktima.
Nakita rin ng ilang saksi na ang babaeng kausap ng biktima ay umangkas sa motorsiklo ng suspect na mabilis na lumayo sa lugar.
Batay sa nakuhang impormasyon Pebrero 2008 nakalaya mula sa bilangguan ang biktima sa kasong homicide at frustrated murder.