Bala para sa anak, sinalo ng ama

MANILA, Philippines - Ibinuwis ng isang ama ang sarili nitong buhay nang saluhin ang bala na para sana sa kanyang anak na dalagita na tinangkang paslangin upang patahimikin sa isinampang kasong panggagahasa laban sa isang opisyal ng pulisya, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.

Hindi na umabot pang buhay sa Taguig-Pateros District Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at mukha ng biktimang si Celso Maxian, 40, dating residente ng Block 22 Lot 17 Purok 3, Central Bicutan, ng naturang lungsod.

Nagawang makatakas naman ng dalawang salarin kung saan isa rito ay kinilala sa pangalang Rodolfo Portabis, alyas Dodong.

Sa imbestigasyon ng Taguig City Police, katatapos lamang ni Maxian na dumalo sa pagdinig sa korte sa kasong panggagahasa sa kanyang 13-anyos na anak na babae na itinago sa pangalang Jane laban sa akusadong nakilalang si P/Chief Insp. Reynante Ibon.

Sinabi ni Jane sa mga imbestigador na nakita nila si Ibon na kausap si Portabis at isa pang suspek sa gilid ng Hall of Justice building kaya sinabihan siya ng ama na magmadali sa paglalakad.

Nang makarating sa kanilang lugar, nakita muli nila ang dalawang suspek na nakatayo sa isang tindahan at lumapit sa kanila. Nang bumunot ng baril ang mga ito, kusang iniharang ng ama ang sarili upang mailigtas ang anak na siyang unang target umano ng mga gunman.

Mabilis na tumakas ang dalawang salarin nang agad na nagsidatingan ang mga barangay tanod sa naturang lugar nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril.

 Iniutos naman ni Taguig City Police chief, Sr. Supt. Tomas Apolinario ang masusing imbestigasyon sa kaso upang mabatid ang koneksyon ni Ibon sa naturang krimen at naglunsad ng manhunt para sa agad na ikaradakip ng mga salarin.

Show comments