Pintor timbog sa rape

MANILA, Philippines - Ipinagharap ng kasong rape ng 20-anyos na dalaga at dating Sangguniang Kabataan (SK) chairman ang 27-anyos na pintor at isa pang lalaki na gumahasa sa kanya nang makitulog siya sa bahay ng kaibigan sa Malate, Maynila, noong Sabado ng gabi.

Kahapon ay isinailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na kinilalang si Jayvee Ignacio, 27, binata, ng Anak­bayan St., Malate, Maynila.

Bigo naman ang pulisya na madakip ang isa pang itinuturong suspect na kinilalang si Ramon Pinlac, 28.

Ayon sa ulat, pormal na naghain ng reklamo ang dalaga, dating SK Chairman na itinago sa pangalang Antonette, 4th year college student at residente ng Singalong St., Malate, laban sa mga suspect.

Ayon sa biktima, nakitulog siya sa bahay ng kaibigan sa Zafiro St., San Andres, Maynila noong Sabado ng madaling-araw matapos maki­paglamay sa patay sa kalapit na lugar.

Dakong alas-2 ng mada­ling-araw ay naalimpungatan siya sa bigat ng nakadagan sa kanyang dibdib.

Nakita niya si Ignacio na nakapatong sa kanya habang si Pinlac umano ay hinihimas naman ang kanyang kaselanan.

Aniya, ang dalawang lalaki ay kasama umano ng isang grupong nag-iinuman sa bahay ng kaibigan, kung saan sila nakitulog. Nagsasagawa pa ng follow-up operation laban kay Pinlac na hindi nahagilap sa nasa­bing lugar.

Show comments