1,200 motorcycle cops isasabak vs riding in tandem
MANILA, Philippines - Isasabak ng Philippine National Police (PNP) ang may 1,200 motorcycle cops laban sa mga riding in tandem na sangkot sa serye ng kriminalidad sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang hakbang ay upang mapalakas pa ang PIPs (Police Integrated Patrol ) system, beat patrol at mobile patrol ng PNP lalo na ngayong ‘ber months’ na karaniwang sinasamantala ng masasamang elemento.
Una nang inatasan ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome si NCRPO Chief P/Director Alan Purisima na palakasin ang deployment ng motorcycle cops sa mga matataong lugar sa Metro Manila.
Sa tala ng PNP, nasangkot ang motorcycle riding in tandem sa sunud-sunod na karahasan sa Metro Manila kabilang na ang pananambang at pagkakapatay kay Polytechnic University of the Philippines (PUP ) Vice President for Administration Atty. Augustus Cezar sa Sta. Mesa, Maynila noong Oktubre 12.
Inihayag ng opisyal na importante na mabigyang proteksyon ang mga mamamayan laban sa riding in tandem, gayundin sa iba pang elementong kriminal na karaniwan ng nambibiktima lalo na kapag malapit na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Samantalang tututok rin ang mga pulis sa pinalakas na kampanya laban sa mga bank robbery gayundin sa mga street crimes.
- Latest
- Trending