Malaysian pinatay ang negosyanteng kapitbahay
MANILA, Philippines - Isang negosyante ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang kapitbahay na Malaysian national makaraang mag-away kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Ang biktima ay nakilalang si Frederick Arellano, 37, ng Blk. 2, Lot 3, St. Magdalene St., Centennial II, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na si Minn Yapp, 50, tubong- Labnan, East Malaysia, at naninirahan sa nabanggit ding barangay.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Roger Baltazar ng Pasig City Police, nabatid na dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Alley Road St. Magdalene St., Centennial II, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Ayon sa report, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang makakuha ng patalim ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na saksak ang biktima sa kanyang tiyan at dibdib na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Hindi pa batid ng pulisya kung ano ang dahilan ng pagtatalo ng dalawa na humantong sa pananaksak ng dayuhan sa negosyante niyang kapitbahay.
- Latest
- Trending