Pagkamatay ng pasyente sa Mental Hospital, bubusisiin ng NBI
MANILA, Philippines - Nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya na naulila ng pasyente ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City na misteryoso ang pagkamatay, matapos makitang may marka ng lubid sa leeg noong Linggo.
Kinumpirma ito kahapon ni NBI-National Capital Region (NBI-NCR) regional director Atty. Constantino Joson base sa kahilingan ng pamilya ng namatay na pasyenteng si Randy Carreon, na imbestigahan kung may foul play sa insidente.
Unang iniulat na namatay ito sa atake sa puso, pero nang iawtopsiya, lumabas na may marka ng sakal ang leeg nito.
“Hinala nila, parang pinatay daw si Carreon at hindi namatay dahil sa sakit sa puso as claimed by the NCMH,” pahayag ni Joson.
Naniniwala naman si Joson na maaaring pagdudahan na may foul play matapos isumite ng PNP-Crime Laboratory ang findings na nagtamo ng mga sugat sa leeg ang bangkay ni Carreon.
Nangako naman si Joson na magsasagawa muna sila ng ocular inspection sa ospital kung saan namatay si Carreon.
Nabatid na may 12 taon nang pasyente ng NCMH si Carreon, at sa claim ng pamilya nito, wala itong ibang karamdaman, kaya nagulat silang malaman na namatay ito sa atake sa puso sa loob ng kanyang ward noong Linggo.
May isyu din na pinapirma umano ang bayaw ni Carreon ng hospital personnel ng waiver na hindi na ipaaawtopsiya ang bangkay. Taliwas naman ito sa hakbang ng pamilya ng biktima na ipina awtopsiya nila ito sa PNP.
- Latest
- Trending