Taong-grasa lasog sa 2 sasakyan

MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang hinihinalang taong grasa matapos na magkasunod na mabundol ng dalawang sasakyan nang gawin umano nitong playground ang underpass sa Cubao sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Ayon sa ulat, dead-on-the- spot sa lugar ang biktima na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikilala. Wala rin kamag-anak na nagpakita sa pulisya para kilalanin ito.

Samantala, naaresto naman ng awtoridad ang isa sa driver ng nakabanggang sa­sakyan na si Roel Jose Pascual Jr., 26 ,ng Malakas St., Masambong, matapos na mahabol ng mga rumispondeng awtoridad sa may Kamuning underspass.

Nangyari ang insidente sa may underpass ng Aurora Blvd., EDSA sa Cubao, ganap na alas-12 ng hatinggabi.

Base sa testimonya ng ilang residente, nakita umano nila ang biktima na pagala-gala sa naturang lugar hanggang sa bigla itong tumawid. Tiyempong binabagtas ng Pajero (TCC-368) na minamaneho ni Pascual ang lugar at nabundol ang biktima.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang biktima, bago muling nabundol ng isa pang papara­ting na sasakyan.

Ayon pa ulat, sa bilis ng takbo ay makikitang sumadsad pa ang Pajero sa gilid ng pader ng underpass, habang papalayo sa naturang lugar. Dead-on-the-spot sa lugar ang biktima dahil sa matinding pinsalang natamo nito sa kanyang katawan.

Katwiran ni Pascual, hindi na umano niya nagawang magpreno ang sasakyan matapos na biglang tumawid umano ang biktima.

Show comments