Taxi driver pumalag sa holdap, utas

MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver makaraang barilin ng isang holdaper na kanyang pasahero kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawing biktima na si Edmar Mahusay 42, ng Amville Subdivision, Brgy. Maysan, Valenzuela City, nagtamo ito ng tama ng bala sa leeg buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Naganap ang insidente alas-11:00 ng gabi sa kahabaan ng GSIS Road 6, Brgy. 164, Caloocan City.

Nabatid, na nagpanggap umanong pasahero ang suspek at sumakay sa Lady Nina (PYP-799) taxi na minamaneho ng biktima at pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang naglabas ng baril ang suspek at nagdeklara ng holdap.

Pumalag naman ang biktima na naging dahilan upang paputukan siya ng suspek sa leeg bago mabilis na tumakas. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.

Show comments