MANILA, Philippines - Nadakip na ng pulisya kamakalawa ng gabi ang dalawang holdaper na gumahasa at pumatay pa sa isang dalagang empleyada ng University of the Philippines (UP) noong Oktubre 4 ng taong kasalukuyan sa Caloocan City. Iniharap kahapon ni Caloocan City Chief of Police, Senior Supt. Jude Wilson Santos ang mga suspek na sina Eric Macaraan, 18 at Jason Pillago, 16, kapwa mga taga Camarin, Caloocan City.
Samantala, pinaghahanap pa ng pulisya ang isa pang suspek na si Erro Allid, “alyas Dandan”.
Bago nadakip ang mga suspek, matatandaan na nagbigay ng halagang P100,000 ang pamahalaang lungsod bilang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek na nangholdap, gumahasa at pumatay sa biktimang si Jee-Ann de Guzman, 26, kawani ng UP, Diliman. Sa rekord ng pulisya, matatandaan na noong Oktubre 4 ng taong kasalukuyan, unang hinoldap ang biktimang si Jerry Manioto, 20, technician at naninirahan sa Petchayan St., Camarin, Caloocan City . Ilang saglit ay iniwan nila si Manioto at sa kanilang pagbalik ay dala ng mga ito ang biktimang si De Guzman na kanila ring hinoldap habang naglalakad ito sa Vanguard at Jasmin Sts., Capitol Park, Brgy. 179, Camarin, Caloocan City dakong alas-8:00 ng gabi ng nabanggit na petsa.
Nabatid na kinaladkad ng mga suspek ang biktima sa lugar na madamo at doon ay inutusan ng mga ito ang dalaga na maghubad ng damit at sapilitan ding kinuha ang mga mahahalagang gamit nito tulad ng cellphone at pera. Hindi pa nakuntento ay hinalay pa ng mga suspek ang biktima at matapos pagsawaan ang katawan ni De Guzman ay pinatay pa ito sa pamamagitan ng pagsakal bago iniwan ng mga ito ang walang buhay na katawan ng dalaga na nakatali pa ang mga kamay at paa, na walang saplot.