Station commanders sa MM babalasahin -- PNP Chief
MANILA, Philippines - Isang malawakang balasahan ang ipatutupad sa hanay ng mga station commanders sa Metro Manila partikular sa Quezon City Police District matapos ang sunud-sunod na pagpatay at krimen dulot ng riding in tandem.
Ito ang ipinahayag ni Philippine National Police chief Director General Nicanor Bartolome, bunga ng lumalalang kaso ng pagpatay sa lungsod.
Hinalimbawa ni Bartolome ang nangyaring pagpatay ng riding in tandem sa Quezon City kung saan ay nakausap na umano niya si QCPD director General George Regis kaugnay dito, upang mabigyan naman ng karapatan ang ibang opisyales na karapat-dapat sa kanilang puwesto.
Maraming opisyal sa QCPD na karapat-dapat subalit hindi nabibigyan ng puwesto dahil na rin umano’y palakasan habang ang iba naman ay naipupuwesto kahit hindi kuwalipikado.
Sinasabing ang mga nagaganap na pagpatay sa lungsod ay indikasyon umano ng kapabayaan ng ilang commanders ng police station.
Dagdag pa ni Bartolome, pinaiigting umano nila ang police visibility sa bawat lungsod, at kung kailangang palitan ang mga station commanders na hindi na gumagawa ng kanyang responsibilidad ay dapat na itong palitan.
Kamakailan lang ay sunud-sunod na kaso ng pag-atake ng riding in tandem ang naganap sa lungsod Quezon, kung saan bukod sa tinatangay ang gamit ay binabaril pa ng mga ito ang kanilang biktima.
- Latest
- Trending



















