Lim, namahagi ng relief sa mga lalawigan ng Bulacan
MANILA, Philippines - Bagamat hindi niya nasasakupan, personal na pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pamamahagi ng relief goods sa mga residente sa mga lalawigan sa Bulacan na naapektuhan ng bagyong Pedring at Quiel.
Sa pagtungo ni Lim sa Malolos, Paombong at Calumpit kasama sina Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado at Vice Gov. Daniel Fernando at Malolos Mayor Christian Natividad, walang pagod na ipinamahagi nito ang ilang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente kabilang na ang bigas, noodles, gamot at tubig.
Nagpadala namang apat na truck ng relief si Lim sa bayan ng San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Lim, walang pinipili ang pagtulong sa kapwa lalo na sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo. Hanggang sa ngayon ay lubog pa rin sa tubig baha ang ilang lugar sa bayan ng Calumpit.
Malaki naman ang pasasalamat ni Alvarado at Fernando sa walong truck na ibinigay ni Lim.
Anila, malaking tulong ito para sa kanilang mamamayan.
Nabatid naman kay Calumpit Mayor James de Jesus na abut-abot din ang kanilang pasasalamat sa mga non-government organizations kabilang na si business tycoon Lucio Tan at mga local government unit tulad ni Lim dahil naglaan ito ng oras upang ihatid ng personal ang tulong na kailangan ng kanyang nasasakupan.
Aniya, napatunayan niyang nagtutulung-tulong pa rin ang mga Pilipino sa panahon ng krisis.
Si Lim ang ikalawang Metro Mayor na nagbigay ng tulong sa nasabing lalawigan.
- Latest
- Trending