Estudyante tinarakan, pinaamoy ng pampatulog ng 'Akyat-bahay'
MANILA, Philippines - Ginagamot sa Medical Center Manila (MCM) ang isang 19-anyos na estudyante ng TUP nang saksakin sa tiyan at takpan ng panyolitong may pampatulog ng isang hinihinalang miyembro ng Akyat-bahay gang, na nanloob sa kanilang tahanan sa Paco, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Aladin Gelera, ng Room 206 at 20, 2nd floor P and R Mansion, Paco, Maynila.
Dakong alas-12:30 ng hapon kamakalawa nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima makaraang makarinig ito ng kalabog mula sa silid ng kanyang lola na si Adoracion de Chavez, 63, balo at isang retiradong guro.
Napansin niya na bumagsak ang case ng salamin ng kanyang lola kaya niya ito pinulot at bago pa maibalik sa tokador ay biglang lumabas sa pinagtataguan ang isang lalaki at sinaksak siya sa tiyan bago tinakpan ng panyolito ang ilong at bibig, dahilan para siya mawalan ng malay.
Kinumpirma naman sa pulisya ng kaniyang lola na nawawala ang mga gintong hikaw, bracelet, kuwintas at maging ang 9 mm na Beretta na pag-aari ng namayapang lolo ng biktima at iba pang mahahalagang gamit.
- Latest
- Trending