MANILA, Philippines - Isang security guard ang binaril at napatay ng isang holdaper na nanloob sa binabantayan nitong convenience store sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Rizal Medical Center dahil sa tatlong tama sa katawan ay nakilalang si Rey Abagon, 31, ng Capitol Security Protective Agency at naninirahan sa Brgy. Kalawaan ng nasabing lungsod.
Naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa binabantayang Jewel 24 Hour Convenience Store ng biktima na makikita sa Saint Martin St., corner Capt. Henry Javier St., Brgy. Oranbo, Pasig City.
Sinasabing, mag-isang pumasok ang suspek sa convenience store at agad nitong pinuntirya ang nakasukbit na kalibre 38 baril ng biktima.
Nang maagaw ang baril ay tatlong beses na pinaputukan ng suspek ang biktima saka dumiretso sa counter at tinangay ang hindi pa mabatid na dami ng pera.
Nang maisagawa ang pakay ay mabilis na tumakas ang suspek palabas ng hinoldap niyang convenience store.