113 pulis nagtapos sa SWAT training
MANILA, Philippines - Nasa 113 mga bagong PNP-SWAT (Special Weapons and Tactics unit) na nagpakahasa umano sa paglaban sa terorismo at organisadong krimen ang bagong tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) makaraang magtapos sa SWAT Training Course sa Clark Freeport, Pampanga.
Pormal na nagtapos ng naturang kurso ang mga bagong SWAT police sa isang simpleng “graduation ceremony” sa NCRPO Headquarters, Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Nag-umpisa ang pagsasanay ng 113 pulis ng SWAT Training Course nitong Hulyo 29 sa PNP School for Values and Leadership sa Pampanga. Sumailalim ang mga ito sa pagsasanay sa paghawak ng iba’t ibang kalibre ng baril, mga taktika sa mga special operations at counter terrorism, at pagpapalakas ng pisikal at mental na katawan.
Kasabay nito, nasa 193 pulis naman ang nagtapos rin sa Basic Tactical Rider’s Course kung saan nagsanay sila ng 15-araw sa epektibong pagmamaneho ng motorsiklo at pagputok ng baril habang sakay nito.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Alan Purisima na mas marami pang kurso o pagsasanay ang isasagawa nila sa kanilang kapulisan upang higit na mapataas ang antas ng kapabilidad ng mga ito upang higit na maserbisyuhan ang publiko laban sa anumang uri ng krimen at terorismo.
- Latest
- Trending