Pasahero bugbog-sarado sa bus driver at konduktor
MANILA, Philippines - Karaniwan nang problema sa lansangan ang mabilis na pagpapatakbo ng mga sasakyan, partikular ang pampasaherong bus kung kaya marami ang nauuwi sa disgrasya.
Bunga nito, maraming pasahero ang minsan ay natatakot na kung kaya pinagsasabihan ang driver at konduktor na magdahan-dahan sa pagpapatakbo.
Subalit, tila talagang hindi ubra sa mga driver ng bus ang ganitong pakiusap dahil isang pasahero ang malubhang nasugatan matapos na pagtulungang bugbugin ng driver at konduktor makaraan silang sabihan na magdahan-dahan sa pagpapatakbo sa kahabaan ng East Avenue, Quezon City kahapon ng umaga.
Nakabenda ang mga braso at pasa sa mukha nang dumulog sa Police Station 10 ng QCPD ang bikimang si Stanley Motos, 38, para humingi ng tulong na makilala ang driver at konduktor ng bus na nanakit sa kanya.
Isang Valisno transit bus na may plakang TXU-200 ang ibinigay nito sa mga awtoridad na kanyang sinakyan kahapon.
Kuwento ni Motos, sakay siya ng naturang bus at tinatahak ang kahabaan ng East Avenue patungong Cubao ganap na alas-8 ng umaga nang mangamba siya sa mabilis na takbo nila.
Dahil ayaw niyang mauwi sa disgrasya ang kahahantungan ng matuling takbo ng bus, nagpasya si Motos na sabihan ang driver nito na magdahan-dahan lamang.
Subalit sa halip na sumunod, galit na hininto umano ng driver ang bus saka nilapitan nito kasama ang konduktor ang biktima at pinagbubugbog, bago tuluyan siyang pinababa ng mga ito at pinaharurot papalayo ang bus.
Nagsasagawa na ng beripikasyon ang awtoridad upang matukoy ang driver at konduktor ng naturang bus para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa mga ito.
- Latest
- Trending