MANILA, Philippines - Naasar ang daang-daang motorista dahil sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko matapos magsagawa ng planking ang mga militanteng grupo sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) upang tutulan ang implementasyon ng 12% ng value added tax (VAT) sa toll fee na ipinatupad kahapon sa Parañaque City.
Walang nagawa ang mga pulis nang humiga sa gitna ng toll gate ng Bicutan Exit, ng nabanggit na siyudad ang may 15 estudyanteng kasapi sa Anakbayan. Matinding trapik ang naranasan sa SLEX dahil sa perwisyong ginawa ng mga nagpoprotesta dakong alas-11:00 ng umaga.
Iginigiit ng mga nagpoprotesta, na hindi aniya makatarungan ang pagpataw ng 12% VAT sa toll ways dahil pagpapahirap ito sa mga motorista.
Nabatid na implementasyon sa dagdag na 12% VAT sa tollway ay sinimulan na kahapon.
Nauna nang sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto-Henares, na wala nang legal na balakid para hindi ituloy ang toll hike maliban kung magpapalabas ng panibagong Temporary Restraining Order (TRO) ang Supreme Court.