MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang isang 33-anyos na sapatero nang ma-sandwich ng dalawang sasakyan matapos mawalan ng preno ang nakabanggang pampasaherong jeep sa kanya sa panulukan ng Kamuning at Edsa, Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Marlon Gazingan, sapatero at residente ng Waling-waling St., Roxas District, Quezon City na nasawi bunga ng matinding pagkalasog ng katawan sa pagkakaipit ng dalawang sasakyan.
Arestado naman ang nakabanggang driver na sina Michael Castro, 33, tubong Pangasinan at residente ng Proj. 3, Quezon City at driver ng jeep (TXB-230) na may biyaheng Welcome Rotunda, Proj. 2-3.
Batay sa ulat, nangyari ang insidente pasado alas-8:45 kahapon ng umaga sa panulukan ng Kamuning St., at EDSA , Brgy. Kamuning, QC.
Lumitaw sa pagsisiyasat na naka-stop ang signal light nang itawid pa rin ni Castro ang kanyang jeep sa may EDSA Kamuning at nabangga ang nakabisikletang biktima na sumalpok din sa likod ng isang taxi kung saan na-sandwich ito ng dalawang sasakyan.
Ayon naman sa taxi driver na si Omar de la Cruz, 38, ng Kasing-kasing St. , Kamias Road, nakahinto siya ng mga sandaling iyon nang makaramdam siya ng malakas na kalabog sa likuran ng kanyang taxi kung saan doon pala naitulak ang biktima at naipit ng masalpok ng jeep. Nahaharap ngayon ang arestadong suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.