Mag-lola nilooban, sinaksak ng boarder na magkasintahan
MANILA, Philippines - Isang 69-anyos na lola at ang 14-anyos nitong apo ang iniulat na nasugatan, makaraang pagsasaksakin ng umano’y magkasintahang nagkunwaring boarder nila sa isang insidente ng panloloob sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ginagamot ngayon sa Quezon City General Hospital ang mag-lolang sina Lucia Layno at Joshua Layno sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan.
Gayunman, halagang P1,100 lamang umano ang natangay ng mga suspect sa mga biktima.
Nangyari ang insidente sa boarding house at tahanan ng mag-lola sa Ilocos St., Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod.
Bago ito, September 27 nang magpunta umano ang mga suspect at nagkunwaring magbo-board dito. Subalit walang ibinigay na downpayment ang mga suspect sa matandang biktima sa pangakong ibibigay na lang ang upa sa September 29 kung saan napapayag naman ang matanda.
Subalit, ganap na alas-3 ng madaling-araw, habang nasa kasarapan ng pagtulog ang mga biktima sa kanilang kuwarto ay pinasok sila ng mga suspect kung saan isinagawa ang panloloob at pananaksak sa mag-lola saka nagsitakas. Target sila ngayon ng operasyon ng pulisya.
- Latest
- Trending